MANILA, Philippines – Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 kaya dapat pa ring sundin ang health and safety protocols at umiwas sa mass gathering.
Ayon sa DOH, malaki ang tiyansa ng hawaan ng virus kapag dikit-dikit ang mga tao lalo na ngayong panahon ng kampanya at marami ang nagsasagawa ng campaign sorties para sa nalalapit na halalan.
Panawagan ng ahensiya sa mga local government unit (LGU), bantayang maigi ang campaign sorties na idinadaos sa kani-kanilang mga lugar at seguruhing mahigpit na naipapatupad ang health protocols gaya ng tamang pagsusuot ng face mask, at social distancing.
“This is really a cause of concern. Ang lagi nating tatandaan na even if our cases ay bumababa na tatandaan po natin that the virus is still here. The variants are still here hindi lang po Omicron, nakakapag-detect pa rin tayo ng Delta variant dito sa atin although mas marami na talaga ang Omicron,” ang pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
“Sana po tayo po ay maging modelo para ipakita natin sa mga tao na tayo ay tumutupad tayo lahay sa safety protocols,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin rin ng DOH na alinsunod sa umiiral na COMELEC rules ngayong pandemya, hindi pa rin pinapayagan ang physical contact ng mga kandidato sa kanilang mga supporter.
Bawal rin ang pagsasagawa ng house-to-house campaign, pakikipagkamay, pagyakap at iba pang uri ng physical contact habang sila ay nangangampanya.
Ang campaign period para sa mga kumakandidato sa nasyunal na posisyon gaya ng presidente, bise presidente at party-list groups ay nagsimula noong Pebrero 8. Ang pangangampanya naman para sa mga lokal na kandidato, kabilang na ang mga tatakbo sa pagka-kongresista ay magsisimula sa Marso 25.
Tatagal ang campaign period hanggang sa Mayo 7.
Sa Mayo 9 naman ang araw ng halalan. (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)
The post DOH: Health at safety protocols sa campaign sorties, dapat tiyakin ng mga LGU appeared first on UNTV News.