
FILE PHOTO: Ayon sa Department of Health ang pag-inom ng mahigit sa 8 basong tubig araw-araw ay isa sa mga paraan upang makaiwas sa heat stroke. (PHOTOVILLE International)
MANILA, Philippines – Patuloy na nakararanas ng mainit na panahon ang halos buong bansa sa ngayon.
Ayon sa PAGASA, maaaring tumagal pa ito hanggang Mayo kung saan sa buwan ding ito naitala ang pinakamainit na temperatura noong 1969 na pumalo sa 42.2 degrees celcius.
Sa ngayon ay umaabot na sa 35 degrees celcius ang average temperature sa Metro Manila, habang pumalo na sa 40 degrees celcius ang nararanasang init sa ilang lugar sa bansa tulad sa Isabela.
Dahil dito, patuloy ang paalala ng Department of Health (DOH) upang makaiwas sa heat stroke.
Nagbigay rin ng tip ang DOH upang malaman kung ang isang tao ay nakararanas ng heat stroke.
“Una, ‘pag kinunan niyo po ng temperature more than 40°C. So kung ang temperature niya ay 39 hindi po heat stroke yan nasa ano lang siya heat exhaustion. Bukod dun, dapat may neurological abnormality, either nag-kumbulsyon o hindi na magising yun ang heat stroke,” pahayag ni DOH Spokesman Dr. Eric Tayag.
Ayon sa DOH, maaari pang maagapan bago tuluyang ma-heat stroke.
Ilan sa palatandaan nito ay ang pagkakaroon ng heat rash at pamamanas ng paa. Maaari ding makaramdam ng pananakit ng ulo, pagsusuka, pagtatae at maaari ding himatayin.
“Ibig sabihin niyan pag nakita mo na yung heat rash sinasabi na syo umalis ka na sa init maghanap ka na ng lilim pumunta ka sa malamig na lugar,” pahayag pa ni Dr. Tayag.
Ayon pa sa ahensya, mas malaki ang tsansya na makaranas ng heat stroke ang mga batang 2-taong gulang pababa, mga diabetic, may sakit sa puso at ang matatanda.
Para makaiwas sa heat stroke, payo ng DOH, ugaliing uminom ng mahigit sa walong baso ng tubig kada araw at iwasang lumabas ng bahay sa mga oras na matindi ang sikat ng araw. (Rey Pelayo & Ruth Navales, UNTV News)