
Kasabay ng breastfeeding sa central site na Marikina Convention Center ay ang mga nanay at sanggol na ito na nakilahok sa Bicol Region. (ALLAN MANANSALA / Photoville International)
MANILA, Philippines — Nakiisa ang ating mga kababayan sa iba’t-ibang probinsya sa isinagawang simultaneous breastfeeding event nitong Huwebes, Oktubre 24, 2013 kung saan umabot sa 35,749 ang mga lumahok na mga nanay at sanggol sa kabuuan.
Sa Zambales, humanga ang mga health professional ng lungsod ng Olongapo sa isinagawang simultaneous breastfeeding ng Members Church of God International (MCGI), Nurturers of the Earth at UNTV (Your public Service Channel) kung saan 209 na mga bata at ina ang nakiisa sa mabuting layunin ng naturang proyekto.
Anila, malaking tulong ito sa kanilang ginagawang pagpo-promote ng ganitong gawain upang mamulat ang mga magulang sa kahalagahan ng breastfeeding.
Sa kabuoan, mayroong 1,312 ina at mga anak ang nakiisa sa breastfeeding sa Bataan at Zambales

Ang mga nanay at sanggol na nakibahagi sa breastfeeding event sa Baguio City. (VASH HAO / Photoville International)
Sa Pampanga, nakiisa rin ang maraming kabalen sa nationwide simultaneous breastfeeding.
Halos lahat ng bayan sa Pampanga ay nagbukas ng satellite location bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-33 anibersaryo ng programang Ang Dating Daan kasabay ng pagsasagawa ng nationwide simultaneous breast feeding.
Umabot sa 51 site ang binuksan sa buong probinsya kung saan umabot sa 2,241 ang nagparehistro.
Pinakamaraming participants sa bayan ng Sasmuan na may 240 registered participants.

Sa Rizal, sinaksihan ni Cainta Mayor Kit Nieto ang simultaneous breastfeeding sa Ang Dating Daan Coordinating Center-Cainta. (JOY REYES / Photoville International)
Sa Visayas Region, nagpakita rin ng pagsuporta ang mga taga Visayas sa adbokasiya ukol sa tamang pangangalaga sa mga sanggol at mga bata sa pamamagitan ng pagpromote sa breastfeeding.
Umabot sa 4,834 ang registered participants sa 145 sites sa buong rehiyon.
Maliban sa Cebu , nagsagawa rin ng breastfeeding sa bahagi ng Palawan, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor, Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, Guimaras, Leyte, Biliran, Eastern Samar, Northern Samar, at sa Southern Leyte.

Umabot sa 162 na mga nanay at anak ang nakikiisa sa simultaneous breastfeeding na isinagawa sa covered court ng Brgy. San Roque sa Cebu City. (GREGY SARAUM / Photoville International)
Sa Mindanao Region, libu-libong breastfeeding mother sa buong Mindanao ang nakiisa sa simultaneous breast feeding activity.
Sa Davao City, higit sa limang daang participants ang nagtungo sa ibat ibang sites sa lungsod.
Habang hinihintay ang official countdown ay nagbigay muna ng lecture at checkup ang mga doktor mula sa Davao Medical Society sa mga nakiisang ina kasabay ang pagbibigay ng mga vitamins at libreng gamot.
Libu-libo din ang nakiisa sa iba pang bahagi ng Mindanao gaya sa Zamboanga City, Cagayan De Oro City, Butuan City, Socsargen, Caraga Region, at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). (UNTV News)

Katulad sa lahat ng mga breastfeeding sites sa buong bansa, ang lahat ng mga nanay na sumali sa gawaing ito ay nakatanggap ng mga munting pabaon mula sa grupong Ang Dating Daan sa pangunguna ni Bro. Eli Soriano at Bro. Daniel Razon. (JEROME SEDURIFA / Photoville International)