MANILA, Philippines – Nanawagan ang World Health Organization (WHO) sa lider ng mga bansa na pag-ibayuhin pa ang waste management ng COVID-19 medical wastes na mapanganib sa kalusugan ng tao at sa kalikasan.
Ayon sa WHO, tinatayang aabot sa 87,000 tonelada ng personal protective equipment (PPE) ang nabili mula Marso 2020 hanggang Nobyembre 2021 nang magsimula ang pandemya.
Mahigit sa 140 milyong test kits na may 2,600 tonelada ng plastic at 731,000 kemikal at nasa 8 bilyong doses ng bakuna o katumbas ng 144,000 tonelada ng karagdagang medical waste ng syringe, karayom, at safety boxes ang nai-deliver sa mga bansa.
Ayon sa WHO, mapanganib ang mga ito sa kalikasan kapag hindi nai-dispose ng maayos dahil hindi naman biodegradable ang mga materyales na ginamit sa paggawa ng mga naturang supplies.
Mapanganib rin ito sa kalusugan ng publiko dahil maaari silang mahawa ng virus na nasa medical wastes.
Kamakailan ay may napaulat na kaso ng pitong bata na sinasabing nagpositibo sa COVID-19 matapos paglaruan ang medical wastes na nakita nila sa isang baybayin ng Virac, Catanduanes noong Enero 24.
Ang medical wastes ay nasa loob ng isang garbage disposal plastic bag na nagmula umano sa isang diagnostic center. Naglalaman ang garbage bag ng 1,978 syringes at 2,000 blood sample tubes para sa COVID-19 test at HIV test kits.
Kumalat pa ang medical wastes na ito sa iba pang bahagi ng baybayin.
Ang panawagan ng WHO, magpatupad ang mga bansa ng akmang waste management disposal at humanap ng paraan upang maging eco-friendly ang mga PPE ng medical frontliners.
“It is absolutely vital to provide health workers with the right PPE,“ ani Dr. Michael Ryan, ang executive director, WHO Health Emergencies Programme.
“But it is also vital to ensure that it can be used safely without impacting on the surrounding environment,” dagdag pa niya.
Kabilang din umano sa dapat ipatupad ang pagkakaroon ng sistema ng pagtatapon sa PPE pagkatapos gamitin ng health workers.
The post Mas maayos na pagtatapon ng COVID-19 medical wastes, ipinanawagan ng WHO appeared first on UNTV News.